Tatlong taon simula nang i-spotlight ng EDCOM 2 at ni Senador Alan Peter Cayetano na nakaparaming batang Pilipino ang stunted sa Pilipinas, paatay-atay pa rin ang galaw ng gobyerno tungkol dito.
At bukod sa napakabagal e mali pa ang tinatarget na edad ng mga programang pang-nutrisyon.
Proud na humarap sa media si Education Secretary Sonny Angara nitong Miyerkules, July 8, nang i-roll out ng ahensya ang feeding program para sa mga kindergarten at grade 1 sa isang paaralan sa Bulacan. Isang paraan daw kasi ito ng gobyerno para “i-reverse” ang nakakabahalang porsyento ng mga batang bansot, na hindi aniya nararating ang kabuuang potensyal dahil sa nasabing health condition.
Hindi naman nagkulang ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) sa pagpapaliwanag na ang pagkabansot ay hindi lang humahadlang sa pagtangkad ng isang bata kundi pumipigil din sa brain development nito at nagiging sanhi ng mahinang pang-unawa. Lahat ito, diin ng EDCOM 2 at ni Cayetano, ay irreversible oras na mag-dalawang taon na ang bata.
Hindi naman natin sinasabing sayang ang ginagamit na budget para sa pagpapakain sa mga undernourished na bata sa mga kindergarten at grade 1. Batayang moral at ekonomikal na responsibilidad naman nating lahat, lalo na ang mga pamilya at ang pamahalaan, na huwag hayaang magutom ang mga paslit at mabigyan sila ng sapat na sustansya ang katawan nila para maka-survive at makapag-aral.
Pero mananatili lang tayo sa ganitong cycle kung hindi natin tutumbukin ang ugat ng isyu: ang nutrisyon ng bata sa unang 1,000 araw na kaniyang buhay.
Taong 2023 pa nang dalhin ni Cayetano sa bulwagan ng Senado ang isyung ito. Naghain pa siya ng panukalang batas na magtatatag sa isang council na bubuuin ng iba’t ibang ahensya para agarang bumalangkas at magpatupad ng pambansang plano na sisiguraduhin ang tamang nutrisyon ng mga bata mula sa sinapupunan ng ina hanggang sa ikalawang taon.
Kung nakinig lang sana sila sa mungkahing ito, ilang libong buhay na sana ang napigilan nating humantong sa pagkabansot. Kung may sense of urgency lang sana ang ating gobyerno, naisip sana nilang iprayoridad ang pagtatayo ng health center sa bawat barangay sa buong Pilipinas para may lugar para makapagpa-prenatal check up nang libre ang mahihirap na buntis, at may nagbabantay sana sa tamang nutrisyon ng bawat isang bata.
Sa nakaraang special session sa Senado, may impresyon na nagkukumahog silang talakayin ang nakahaing panukalang batas sa Kongreso na magpapalawig sa nutrition program ng gobyerno para saklawin ang lahat ng life stages ng isang bata, mula sa pagbubuntis ng ina. Magtuloy-tuloy na sana at hindi mabinbin lang sa sponsorship stage. Huwag sanang pakitang-tao lang kagaya ng feeding program natin sa mga paaralan.
Dahil dapat lang na magkumahog tayong lahat. Dahil bawat isang bata na naging bansot, ang katumbas ay isang Pilipinong balang-araw ay mapag-iiwanan sa eskwela, mapag-iiwanan sa trabaho, at mapag-iiwanan sa buhay – na dapat sana ay may kakayahang mabuhay nang produktibo at fulfilling, gaya ng nais ng Diyos at ng Saligang Batas para sa ating lahat.

