Isa sa pinakamabigat na tungkulin ang Senado kaysa sa pag-upo bilang impeachment court dahil hindi lamang kinabukasan ng isang opisyal ang nakataya, nakasalalay rin dito ang kredibilidad ng institusyon at ang tiwala ng publiko sa proseso ng pananagutan.
Kaya mahirap ipaliwanag kung bakit hindi ang Senate President ang nanguna bilang presiding officer at sa halip ay piniling ipaubaya ang pinakamahalagang upuan sa ibang senador.
Hindi naman ito pagkuwestiyon sa kakayahan ni Senator Sherwin Gatchalian bilang mambabatas. Marami na rin naman siyang nagawa sa Senado. Ngunit ang pagiging mahusay na senador ay iba sa pagiging handang mamuno sa isang impeachment trial.
At hindi lahat ng mahusay na mambabatas ay automatic qualified sa tungkuling iyon.
Hindi rin kataka-taka kung bakit ito ang isyung binigyang diin ni Senator Alan Peter Cayetano. Mahalagang malaman din ng publiko kung sino ang dapat mamuno sa impeachment court batay sa Constitution at sa rules.
Nang mahalal si Senator Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer, katawa tawa ang eksenang tumatak sa publiko. Paano ba naman, nagmistulang seatmate lang ni Escudero si Gatchalian.
Hindi ganito ang nakasanayang practice ng bansa sa bawat impeachment trial. Kahit balikan pa natin ang mga nakaraang paglilitis, ang Senate President ang namumuno sa impeachment court, maliban lamang kung ang Pangulo ng bansa ang nililitis.
Maaaring may iba’t ibang legal na argumento tungkol sa interpretasyon ng mga tuntunin. Ngunit ang liderato ay hindi nasusukat sa kakayahang humanap ng paraan upang umiwas sa isang mabigat na tungkulin.
Sa panahong mas mataas pa sa telenovela ang interes ng publiko sa Senado, dapat pakita rin ng ating Senate President na competent siya. Dahil ang maaalala ng publiko ay kung paano pinamunuan ng Senado ang isa sa pinakamahalagang paglilitis sa ating demokrasya.

