Mas malalim pa sa baha

Kung may PAGASA para sa panahon, mukhang kailangan na rin ng Senado ng sariling forecast at dahil umabot na sa Signal No. 5 ang bangayan nina Alan Cayetano at Ping Lacson.

Halos araw-araw ay may panibagong bugso ng banat mula sa dalawang beteranong senador. Pero sa dami ng kulog at kidlat sa kanilang word war, sana naman ay huwag malimutan ang tunay na bagyong kinakaharap ng mga Pilipino, ang paulit-ulit na pagbaha at ang tanong kung saan napunta ang bilyon-bilyong pisong inilaan para sa flood control.

Nagsimula ang diskusyon nang manawagan si Cayetano na masusing busisiin ang mga flood control project sa buong bansa. Sa kanyang pananaw, hindi sapat na maglaan ng bilyon-bilyong piso taon-taon kung patuloy namang nalulunod ang mga lungsod at lalawigan sa tuwing may malakas na ulan.

Hindi naman nagpatinag si Lacson.

Sa halip, iminungkahi niyang tingnan din ang mga flood control project sa Taguig, isang lungsod na matagal nang pinamumunuan ng pamilya Cayetano. Pero ang naging sagot ni Cayetano ang lalong nagpainit sa usapan.

Wala aniyang problema kung busisiin ang Taguig. Sa katunayan, sinabi niyang kumpiyansa siyang walang iregularidad sa mga flood control project doon.

Ngunit kung talagang paghahanap ng katotohanan ang layunin, bakit hanggang Taguig lang? Bakit hindi repasuhin ang lahat ng lungsod at ahensiyang tumanggap ng pondo para sa flood control?

Iyang banat ni Cayetano marahil ang mas mahalagang punto sa gitna ng kanilang word war.

Tama naman na kung ang batayan ay transparency at accountability, hindi dapat namimili ang imbestigasyon. Hindi pwedeng isang lungsod lang ang silipin habang ang iba ay hindi man lang natatanong. Pare-parehong pera ng taumbayan ang ginamit at pare-pareho ring may obligasyong ipaliwanag kung paano ito ginastos.

Sa kasamaang-palad, habang tumatagal ang kanilang word war, mas napag-uusapan kung sino ang may mas matalas na banat kaysa kung bakit hanggang ngayon ay lumulubog pa rin sa baha ang maraming komunidad. Mas naging sentro ang personalidad kaysa sa problema.

At iyon ang hindi dapat mangyari.

Dahil kapag bumuhos na naman ang malakas na ulan, gaya ng bagyong Maymay na nararamdaman ng ibang parte ng bansa ngayon, hindi itatanong ng mga pamilyang nalubog ang kanilang bahay kung sino ang nanalo sa debate.

Ang itatanong nila ay kung bakit, sa kabila ng napakalaking pondong inilaan sa flood control, pareho pa rin ang eksena taon-taon.

Maaaring matapos rin ang bangayan nina Cayetano at Lacson. Lilipas din ang mga patutsada at may panibagong issue na papalit. Pero nananatiling stuck pa rin ang issue sa flood control ng walang malinaw na sagot, iyon ang usaping mas malalim pa sa baha.

Related articles