Malaking kwestyon ngayon sa taumbayan kung tama ba o isang malaking pagkakamali ang biglaang pagpalit ng liderato ng Senado sa gitna ng isa sa pinakamalaking kontrobersiya sa pulitika ngayon — ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Para sa mga DDS, isa raw itong tagumpay dahil Majority na ang Duterte-allied senators. Ramdam naman ng mga Dilaw at Pink ang pagkabigo dahil para sa kanila, hindi na raw itutuloy ang impeachment dahil biased ang bagong mayorya. Idagdag pa ang pasabog ng pagbabalik ni Senador Bato dela Rosa sa plenaryo pagkatapos magtago ng ilang buwan.
Pero sa gitna ng lahat ng nangyari, gusto natin ipunto na ang dapat tutukan at ipagdasal ng taumbayan ay ang dunong ng bagong Senate President Alan Peter Cayetano. Malaki ang kanyang responsibilidad ngayong humaharap ang Senado sa mabibigat na isyu – VP Duterte impeachment, epekto sa bansa at kabuhayan ng oil crisis, at ang divisive na pulitika sa institusyon. Hindi biro ang mga isyung ito na kinakailangan ng matinding discernment at talino!
Ang daming kinakailangang ayusin at hilutin ni Cayetano, pero dahil angat ang kanyang karanasan sa gobyerno, baka sakaling magabayan niya ang Senado sa patas at maayos na direksyon. Tingin din natin na hinog na ang kanyang karanasan bilang dating House Speaker, Cabinet Member, at karanasan sa LGU para hindi paikutin ng basta-basta sa pulitika. Siya mismo rin naman ang nagsabi sa Facebook Live na kahit na may narating na siya, kailangan niya ng supernatural wisdom dahil sa lahat ng mga nagaganap.
Kaya imbis na mangamba, himok natin sa ating mga kababayan na ipagdasal na lang natin ang ang liderato ni Cayetano at ang direksyon ng institusyon sa mga susunod na buwan. Magtiwala tayo na hawak ng Panginoon ang tadhana nitong sitwasyon at maging swak ang timing ng pag-angat niya sa oras na ito bilang SP Cayetano.

