Noong 2017, nagtipon sa Maynila ang mga pinakamatataas na pinuno ng Southeast Asia at nangakong magtutulungan upang wakasan ang lahat ng uri ng malnutrisyon sa rehiyon. Isa ito sa mga deklarasyong pinagtibay noong ika-31 ASEAN Summit.
Ngayong muling magho-host ang Pilipinas ng ASEAN Summit, magandang balikan ang pangakong iyon. Siyam na taon na ang lumipas, pero gaano na nga ba kalayo ang narating natin?
Ayon sa pinakahuling National Nutrition Survey, tumaas ang porsyento ng mga batang Pilipinong wala pang limang taong gulang na nakararanas ng stunting, mula 23.6 porsyento noong 2023 hanggang 25.3 porsyento noong 2025.
Ibig sabihin, halos isa sa bawat apat na bata ang nakararanas ng pagkabansot dahil sa matagal na kakulangan sa wastong nutrisyon. Maaari itong makaapekto sa kanilang kalusugan, pagkatuto, at mga oportunidad sa hinaharap.
Malinaw na marami pa tayong kailangang gawin.
Isa sa mga kailangang pagtuunan ay ang paraan ng pagtukoy sa mga batang nangangailangan ng tulong. Mahalaga ang national surveys para malaman ang lawak ng problema. Pero paano natin matutulungan ang isang bata kung hindi natin alam kung sino siya, saan siya nakatira, at anong tulong ang kailangan niya?
Ito ang matagal nang binibigyang-diin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na nagsilbing Foreign Affairs Secretary noong 2017 ASEAN chairmanship ng Pilipinas.
Sa kanyang mga amyenda sa Expanded National Nutrition Program Act, isinulong niya ang maagang pagtukoy sa stunting, regular na pagsubaybay sa paglaki ng mga bata, at agarang tulong sa mga higit na nanganganib.
Kasama rin dito ang isang National Anti-Stunting Action Plan at mas malinaw na papel ng mga barangay health worker at nutrition scholar sa pagtukoy at pagtulong sa mga batang apektado.
Samantala, may plano na rin ang ASEAN na suriin ang pagpapatupad ng 2017 declaration upang makatulong sa pagbuo ng mga susunod na hakbang laban sa malnutrisyon hanggang 2030. Pagkakataon ito para sa Pilipinas na muling pangunahan ang laban kontra malnutrisyon, lalo na sa pagtatakda ng malinaw na mga target at konkretong hakbang.
Sa pagtatapos ng ASEAN Summit, maaaring magkaroon ng mga bagong kasunduan at pahayag. Pero ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung gaano karaming batang nangangailangan ng tulong ang maaabot ng mga programa.
Siyam na taon na ang lumipas. Panahon nang mas maramdaman ng mga batang Pilipino ang pangakong iyon, alang-alang sa kanilang kinabukasan at ng buong bansa.###

