Talentadong Pinoy

Alam natin kung gaano ka-talentado ang mga Pinoy. Sa arts at sports, maraming pangalan na ang nakita nating nagpakitang-gilas sa international stages. Kamakailan nga, kabilang ang Pinoy pop girl group na BINI sa mga piling artists na naimbitahang mag-perform sa Coachella, isa sa pinakamalaking music festival sa mundo. Dahil sa milestone na ito, naghain ng resolusyon sa Senado upang kilalanin ang mga myembro nito.

Hindi talent ang kulang sa mga Pinoy artists kundi tamang suporta at exposure. Sa pagsikat ng marami sa kanila, hindi lang pride ang pwede nilang ibigay sa bansa kundi soft power. Ito ang kakayahan ng isang bansa na maimpluwensyahan ang ibang bansa sa pamamagitan ng pagiging kaakit-akit. Ang isang halimbawa nito ay ang paglakas ng Hallyu o Korean wave (K-dramas, BTS, K-beauty) ng South Korea na nagpapataas ng interes at turismo sa bansa.

Kayang-kaya rin natin ito. Sabi nga ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, kailangang i-leverage ang Filipino arts at culture para palakasin ang PH soft power. Bukod sa talented ang mga Pinoy, aniya pati ang ating pagiging hospitable na may lasting impression sa mga dayuhan ay may positive effect din sa bansa.

Ngayong mas nakikilala tayo ng ibang bansa dahil sa mga international exposure tulad ng ginawa ng BINI, dapat nang kumilos ang ating pamahalaan upang mas palakasin ang suporta sa Filipino talents.

Hindi sapat na parangalan lang sila. Nagbukas na sila ng daan para makilala tayo, kaya dapat puliduhin at mas ilawan ang daan na ito para sa mga may potensyal na maging tulad nila.

Related articles