Habang tumatagal na walang reporma sa sektor ng edukasyon, paunti-unting nananakawan ng oportunidad ang susunod na henerasyon ng mga kabataang Pilipino.
Ganito kabigat ang epekto ng kawalan ng aksyon. Habang hindi buo ang reporma, lalo lang tumatagal at lumalala ang mga problema sa hindi maayos na implementasyon ng K to 12, kakulangan sa silid-aralan, pagbabawas sa oras ng pag-aaral ng mga learner, at hindi maayos na sistema ng edukasyon sa bansa.
Masaklap ito dahil bukod sa para itong kalamidad na sinalanta ang mga kasalukuyang mag-aaral, damay pa ang susunod na henerasyon ng mag-aaral na magmamana rin ng ganitong problema at sitwasyon. Kawawa naman sila. Parang utang lang iyan ng bansa na hindi pa man sila ipinapanganak, may nakahanda nang pasanin sa buhay.
Tama ang sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ang edukasyon ang pundasyon para sa paglutas ng mga problema ng bansa. Dapat talagang itong sektor ang may pinakamalaking pondo sa national budget na tunay na ginagamit at hindi kinokorap.
Malaking bagay ang pagbuhos ng pondo para sa mga guro, silid-aralan, at iba pang maayos na imprastraktura. At hindi lang dapat ito sa Metro Manila at malalaking siyudad kundi kalat sa buong bansa.
Dagdag pa ni Cayetano, dapat tutukan din ang paghubog ng values, leadership, at integridad ng mga kabataan. Para paglaki nila ay nakatatak na ang values na ito na maghahanda sa kanila sa ‘real world problems,’ lalo kapag nahaharap sa tukso sa korapsyon at matitinding isyu sa pamahalaan.
Hindi pa huli ang lahat. May magagawa pa ang awtoridad sa pangunguna ng DepED, CHED, at TESDA para tutukan at gawan ng mga reporma ang edukasyon. Hiling natin ay talagang aksyunan na ito para mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating kabataan.
