Ipinaliwanag ng Senate Majority bloc ngayong Martes ang desisyon nitong hindi magkaroon ng quorum sa plenary session.
Ayon sa Mayorya, ang hakbang na ito ay upang protektahan ang mga kasalukuyang imbestigasyon sa Senado, lalo na sa gitna ng mga pagbabago sa bilang ng mga senador sa loob ng kapulungan.
Giit ng mga senador, hindi ito tungkol sa Senate leadership kundi kung matutuloy ba ang mga imbestigasyon nang walang pagkaantala o political influence, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa korapsyon at maling paggamit ng pondo ng gobyerno.
Ayon sa kanila, ang kamakailang pag-aresto kay Senator Jinggoy Estrada at ang patuloy na pagliban ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ay nagdulot ng hindi pangkaraniwang sitwasyon kung saan nagbago ang balanse ng boto sa Senado.
Bagama’t hindi umano ito sapat para palitan ang liderato ng Senado, maaari itong maging pagkakataon para magkaroon ng pagbabago sa pamumuno ng mga komite sa pamamagitan ng boto ng mga senador na nasa sesyon.
Pangamba ng Mayorya, may mga nangyayaring pagpupursigi na makontrol ang mahahalagang komite matapos mabigo ang naunang pagtatangka na palitan ang liderato ng Senado.
Isa sa mga pangunahing target ay ang imbestigasyon sa flood control projects, na itinuturing na isa sa pinakamalalaking pagdinig ng Senado sa kasalukuyan. Saklaw nito ang bilyon-bilyong pisong paggastos ng gobyerno na layuning alamin kung tama ang naging paggamit ng pondo at kung sino ang dapat managot.
Giit ng Mayorya, karapatan ng mga Pilipino na malaman kung paano talaga ginamit ang pera ng bayan. Anumang hakbang na magbabago sa pamumuno ng mga komiteng nagsasagawa ng imbestigasyong ito, anila, ay natural na kasuspe-suspetya ang motibo at timing.
Ipinunto rin ng mga senador ang tila inconsistent na opinyon pagdating sa parliamentary actions sa loob ng Senado. Puna nila, ang pag-walkout ng Minorya ay itinuring na lehitimong pagpapakita ng prinsipyo, samantalang ang desisyon ng Mayorya na huwag magkaroon ng quorum ay iniuugnay naman sa pag-abandona sa tungkulin.
Paliwanag ng Mayorya, ang kanilang hakbang ay isang lehitimong parliamentary tool na ginagamit para maiwasang maapektuhan ng anumang pansamantalang pagbabago ang mga kasalukuyang imbestigasyon.
Muli nilang iginiit na ang kanilang posisyon ay hindi para protektahan ang sinumang personalidad o para sa political advantage, kundi para pangalagaan ang mga imbestigasyong ipinagkatiwala sa Senado para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Bilang pinuno ng Mayorya, hinikayat ni Senate President Alan Peter Cayetano ang publiko sa isang Facebook live nitong June 2 na basahin ang sitwasyon sa mas malawak na konteksto.
“Kailangan tingnan natin ang nagyayari sa Senado sa malaking konteksto ng katotohanan. Is the Senate for truth or not? What’s important to me is you don’t have a puppet or dependent Senate,” pahayag ni Cayetano.
“Para mapagsilbihan kayo ng bagong Majority, we have to make sure na nariyan y’ung 13 [senators] para masubukan ninyo ano madedeliver namin sa inyo,” dagdag niya.
Himok ng Mayorya, huwag tignan bilang magkakahiwalay na bagay ang mga pangyayari kamakailan. Babala nila, ang sabay-sabay na pag-aresto sa ilang senador, mga banta ng kaso, patuloy na pressure sa pulitika, at mga pagtatangkang baguhin ang pamumuno ng mga komite ay maaaring makaapekto sa pagiging independent ng Senado.
Ang nakasalalay anila sa lahat ng ito ay higit pa sa kung sino ang mamumuno sa mga komite, kundi kung maipagpapatuloy ba ang mga imbestigasyong may kinalaman sa bilyon-bilyong pondo ng bayan nang walang takot, pressure, o panghihimasok hanggang sa lumabas ang buong katotohanan at managot ang dapat managot.###

