Dapat seryosohin ng pamahalaan ang paniniktik ng China na kamakailan lamang ay kinumpirma ng National Security Council. Isama pa diyan ang paglipana ng online scams. Sa panahon ngayon kung saan napakahalaga ng impormasyon, delikadong magkaroon ng mga butas sa ating digital systems, lalo ng gobyerno, dahil maaaring magdulot ito ng panganib sa pambansang seguridad.
Kasabay ng pagpapalakas ng E-governance na prayoridad ng Marcos administration, kailangang kasabay tiyaking matibay ang cybersecurity measures na nakapaloob dito. Kung walang sapat na proteksyon, ang mga sistemang ginawa para mapabilis ang serbisyo ng gobyerno ay maaaring maging daan pa ng cyberattacks at paniniktik.
Ito ang pangunahing mungkahi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na may-akda ng E-Governance Law sa Senado. Paulit-ulit niyang sinasabi na sa pagpapatupad ng E-Gov ay kasabay dapat ang pagtiyak sa cybersecurity at pagtatayo ng digital infrastructure sa bansa. Aanhin mo nga naman ang pag-access ng bank account mo sa cellphone — may internet nga, pero wala namang maayos na proteksyon at bitin pa sa signal.
Mahalaga rin aniyang itanong kung sapat ba ang mga eksperto sa cybersecurity sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa iba pang ahensya ng pamahalaan. Kahit may pondo para sa cyber defense at counterattacks, magiging kulang pa rin ito kung wala namang sapat na eksperto na magpatutupad at magbabantay sa mga sistema.
Hindi sapat na maglaan lamang ng budget kung hindi rin pinapalakas ang kakayahan at kaalaman ng mga taong magtatanggol sa digital infrastructure ng bansa. Kailangang may malinaw na investment sa training, recruitment, at pag-develop ng mga cybersecurity professionals sa loob ng gobyerno.
Marami tayong kababayan na eksperto sa IT. Marami ding Pinoy hackers. Pwede rin daw sila bigyan ng pabuya sa paghuli ng mga malisyosong hacker ng bayan, lalo na kapag ang target at ang cybersecurity capability ng kapulisan at kasundaluhan.
Ika nga ng ilang eksperto, ang mga susunod na giyera ay sa cyberspace. Habang patuloy na umuunlad ang teknolohiya, maiging palakasin ang cybersecurity ng bansa para di tayo mabulaga sa paniniktik at cyberattacks.

