Hindi dapat tipirin ng gobyerno ang kanilang tulong para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na naipit ngayon sa giyera sa Gitnang Silangan, lalo’t todo ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.
Isaalang-alang din dapat ng awtoridad ang tunay na sitwasyon nila at ng kanilang amo dahil hindi lang naman ang mga Pilipino ang apektado sa ngayon kundi lahat ng lahi sa rehiyon. Magandang maging mahinahon, maayos, at maingat ang mga hakbang ng pamahalaan sa oras na ito.
Tinutukoy natin dito ang usaping repatriation — kung kinakailangan agad ito ngayon. Hindi biro ang plano kung ipapatupad ito dahil 11 na bansa ang apektado at tuloy-tuloy pa rin sa ngayon ang airstrikes. Aabot din sa 2.5 milyong Pilipino ang naroon, hindi pa kasama ang mga hindi dokumentado na kababayan.
Balita natin ay dinagdagan ang pondo ng mga kagawarang nakatutok sa OFWs at Pilipinong nakabase sa ibang bansa, tulad ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers. Tamang oportunidad ito para ialok ang mga serbisyo ng gobyerno para malubos itong pondo.
Sakto pa ang pangalan ng pondo — Assistance to Nationals Fund at AKSYON (Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan) Fund. Swak ito na pagkukunan ng suporta ngayong naiipit sila sa krisis.
Nakabantay ang taumbayan sa kung anong magiging tugon ng gobyerno para sa OFWs na itinuturing nilang ‘modern day heroes.’ Sana totohanin ito ng gobyerno at tumbasan ng salita ng magandang aksyon.

