Madaling magalit kapag tila binabastos ang bansa. Pero sa diplomasya, talo ka kapag padalos-dalos ang sagot.
Sa harap ng panghihimasok ng foreign embassy, mas mahalaga na magkaroon ng “cooler heads” kaysa sa matatalas na palitan ng salita.
Tama ang naging paninindigan ng Senado laban sa mga pang aasar ng Chinese Embassy na sa mga opisyal at institusyon ng Pilipinas. Ang sinumang bumibisita sa ating bansa ay walang karapatang mangialam sa ating mga desisyon at sa takbo ng ating demokrasya dahil ang sovereignty ng Pilipinas ay hindi ipinagpapalit at hindi dapat binabastos.
Gayunman, sa anumang uri ng international relations, hindi sapat ang pagiging tama.
Mahalaga rin ang paraan ng pagtugon. Ang palitan ng maaanghang na pahayag sa publiko ay mabilis magpalala ng tensyon at maaaring magsara ng mga pintuan para sa diplomatikong usapan.
Kapag umiinit na ang palitan ng salita, mas nahihirapan ang magkabilang panig na umatras nang may dignidad.
Ang mahinahong kilos ay hindi tanda ng kahinaan kundi ng kumpiyansa. Ang mga bansang kumikilos batay sa batas at proseso ay mas pinakikinggan sa international community.
Katunayan, ito ang matagal nang itinataguyod ng mga beteranong diplomat ng bansa. Sa panahon ni Former Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano, matatag ang tindig ng Pilipinas sa mga isyu ng soberanya, ngunit maingat ang paraan ng pagpapahayag.
Ang mga objections o pagtutol ay idinadaan sa pormal na diplomatikong pamamaraan sa halip na mag trending dahil sa palitan ng mga pahayag sa publiko.
Kudos naman sa Senado sa pagguhit ng malinaw na hangganan laban sa panghihimasok. Pero higit na mahalaga ang susunod na galaw ng pamahalaan.
Dapat manatiling kalmado, sistematiko, at may direksyon ang tugon sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs, kabilang ang pormal na pagrerehistro ng pagtutol at ang pag-angat ng usapin sa mga angkop na international forum kung kinakailangan.
Ipinapakita ng ganitong mga sandali kung sino ang handang tumindig at sino ang marunong magtimpi. Sa anumang sigalot sa foreign relations, ang bansang may kontrol sa sarili ang tunay na may lakas.
