Cayetano naghatid ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao, iginiit ang pangmatagalang rehabilitasyon

“Hindi ito panahon ng salita, panahon ito ng gawa.”

Ito ang mensahe ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano matapos niyang personal na bisitahin nitong Martes ang mga komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Sarangani Province at General Santos City upang maghatid ng sari-saring tulong.

Nanawagan din siya para sa pangmatagalang rehabilitasyon ng mga nasalanta.

Kasama si Senator Robin Padilla, inikot ni Cayetano ang mga lugar na matinding naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao nitong June 8 at nakipagpulong din sila sa mga local officials, community leaders, at mga residenteng nawalan ng bahay at kabuhayan.

Muling iginiit ni Cayetano ang kahalagahan ng disaster response na hindi lamang nakatuon sa relief assistance kundi maging sa pangmatagalang rehabilitasyon at pagbangon ng mga nasalanta.

Aniya, mahalaga ang agarang tulong ngunit dapat ding tiyakin ng pamahalaan na tuluy-tuloy ang suporta sa mga pamilyang naapektuhan hanggang tuluyan silang makabangon.

“Y’ung relief efforts maganda ‘yan, pero importante y’ung rehabilitation,” wika niya.

Sa bayan ng Municipality of Glan, nakasama ng dalawang senador sa pamamahagi ng ayuda sina Mayor Victor James “Tata” Yap Sr., Vice Mayor Victor James “James” Yap Jr., at Congresswoman Carol Lopez.

May 209 pamilya mula sa iba’t ibang barangay ang nakatanggap ng grocery packs, inuming tubig, bigas, at mga construction materials para sa pagsasaayos ng kanilang mga bahay. Nagsagawa rin ng interfaith prayer na pinangunahan ng mga lider ng Muslim, Christian at Catholic communities.

Mula Glan ay nagtungo ang grupo sa Municipality of Malapatan, kung saan 91 pamilya ang nabigyan ng grocery packs, bigas at mga materyales para sa pagkukumpuni ng kanilang mga tahanan.

Sumunod na pinuntahan ng mga senador ang Mateo Village sa Barangay Lagao, General Santos City, kung saan daan-daang pamilya ang patuloy na bumabangon mula sa epekto ng lindol.

Namahagi rin sila ng grocery packs, bigas at inuming tubig habang ibinahagi ng mga lokal na lider ang mga problemang kinakaharap ng mga residente.

Ayon kay Cayetano, kailangan ng tuluy-tuloy na suporta ng pamahalaan dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng kalamidad. Batay sa mga ulat, aabot sa 34,000 bahay at 69 pangunahing pampublikong imprastraktura sa lungsod ang nangangailangan ng rehabilitasyon o muling pagtatayo.

“Gamitin ninyo kami na taga-remind sa gobyerno na kailangan i-rebuild natin [ang Mindanao]. Sabi nila, ‘Relief, Recovery, Reform.’ Maaasahan ninyo kami sa relief, sa recovery, hopefully ay makatulong kami sa reform,” wika niya.

Hinimok din niya ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magkaroon ng kumpletong tala sa lawak ng pinsala at magbigay ng malinaw na timetable kung kailan maipagkakaloob ang kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad.

Matagal na ring isinusulong ni Cayetano ang pagtatatag ng Emergency Response Department (ERD), na mangangasiwa sa disaster preparedness, response at rehabilitation.

Simula pa nitong June 9, namahagi na ang mga tanggapan nina Senators Alan at Pia Cayetano ng maiinit na pagkain at emergency assistance sa libu-libong residente at frontliner sa Saranggani, General Santos, at Davao Region, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga local officials upang masuri ang lawak ng pinsala sa mga lugar na tinamaan ng lindol.

 

Image from Cayetano In Action with Boy Abunda FB

Related articles

Cayetano sa pagtugon sa kalamidad: Dapat may rehabilitasyon kasunod ng relief

Muling binigyang diin ni Senate Minority Leader Alan Peter...

Cayetano on disaster response: Beyond relief, rehabilitation must follow

Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano on Tuesday renewed...

Bam Aquino supports Cayetano’s years-long push v. child stunting

Senator Bam Aquino on Wednesday supported Senator Alan Peter...

Hindi bitter ang tunay na leader

Hindi kayang burahin ng kahit anong political maneuver sa...