Positibo ang naging reaksyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumuo ng crisis committee ang gobyerno, kasunod ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon kay Cayetano, tugma ang hakbang sa nauna nang tinulak ng Senado na paghahanda ng bansa laban sa malalaking krisis.
Matatandaang nitong mga nakaraang linggo, pinagtibay ng Senado ang Senate Resolution No. 343 na inihain ni Cayetano. Layunin nitong hikayatin ang Executive Branch na maglatag ng malinaw na National Contingency Framework at isang konkretong plano sakaling tumama ang malawakang krisis sa bansa.
‘Di na bago ang ganitong sitwasyon. Kapag may kaguluhan sa labas, lalo na sa supply ng langis, sunod-sunod ang epekto — taas sa presyo ng gasolina, pamasahe, hanggang sa bilihin.
Dahil dito, sinundan pa ito ng Senate Resolution No. 350 na inakda nina Cayetano, Senate President Vicente Sotto III at Majority Leader Juan Miguel Zubiri. Dito naman itinutulak ang pagbuo ng isang ad hoc committee na tututok sa pag-usad ng national contingency plan.
Ang grupong ito, na tatawaging Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis sTrategy (PROTECT), ay pamumunuan ng Chairperson ng Senate Committee on Finance at bubuuin ng lahat ng chairperson ng Senate committees.
Trabaho nitong tipunin ang inputs mula sa iba’t ibang sektor at tiyakin na sabay-sabay at maayos ang galaw ng pamahalaan.
Sa ilalim ng panukala, hindi lang magbabantay ang Senado. Aktibo rin itong makikilahok sa pagbuo ng contingency plan at sisiguraduhin na tuloy-tuloy ang implementasyon nito.
Punto ni Cayetano, kahit kumikilos ang mga ahensya kapag may krisis, madalas magkakanya-kanya kung walang iisang plano na sinusundan.
“Nasusubukan ang ating pundasyon ‘pag merong kalamidad o sakuna… I don’t think there’s a problem that we expect the worst or prepare for the worst. Kung hindi, nandiyan y’ung contingency plan [to implement],” wika niya.
Sa inaasahang Senate-led body, target na pag-isahin ang galaw ng national agencies, local governments at pribadong sektor para hindi nagkakawatak-watak ang paghahanda.
Ngayong gumagalaw na rin ang Malacañang para bumuo ng sarili nitong crisis committee, sinabi ni Cayetano na mas lalong napapatunayan kung gaano kahalaga ang matibay na sistema bago pa dumating ang krisis.
“Ang pundasyon ng isang bansa, ng isang bayan, ng isang senado, ng isang pamilya o ang pundasyon ng mga Pilipino ay napakahalaga,” wika niya. ###

