Ilang beses na nating narinig na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, pero tila hindi naman natin sila inaalagaan. Look around. Lahat ng pinakamabibigat na problema ng Pilipinas, mula sa learning crisis hanggang sa malawakang korapsyon, nag-uugat lahat sa tahanan at sa pagpapalaki natin sa kabataan.
Ngayong National Children’s Month, samantalahin natin ang pagkakataon para isa-isahin ang mga pagkukulang natin sa kabataang Pilipino, hindi lang ng gobyerno pero ng bawat isa sa atin.
Nangunguna dito ang tamang nutrisyon. Taong 2015 nang matuklasan na isa sa bawat tatlong batang Pilipinong wala pang limang taong gulang ay stunted o bansot. Mahigit isang dekada ang nakalipas, kakaunti lang ang ibinuti ng datos na ‘yan.
Hindi biro ang stunting dahil hindi lang height ang naaapektuhan nito kundi pati ang tamang paglaki ng utak ng bata — at hindi na ito nagagamot pa pagtuntong ng ikalawang taong gulang. Sila y’ung mga bata sa paaralan na hirap matuto at lumalaking hindi gaanong produktibo.
Buti na lang at may ilan tayong pinuno sa gobyerno na masidhi ang pagsulong ng agresibong pagtugon sa isyung ito. Sa mga nakalipas na taon, consistent si Senador Alan Peter Cayetano sa pagtulak sa DOH at DSWD na paglaanan ng sapat na pondo ang libreng healthcare para sa mga buntis at regular na suporta sa nutrisyon ng mga bata bago tumuntong ng ikalawang taon. Dapat magtulungan din ang pamahalaan at mga magulang sa pagsisigurong tamang pagkain ang kinakain ng mga bata.
Sa edukasyon naman, 2012 pa nang simulan ang K to 12, pero imbes na magkaroon ng malaking pagbabago sa pagkatuto ng mga bata ay lumala pa ang learning crisis. Hindi pwedeng paisa-isa ang reporma dahil bawat taong hindi maximum ang benepisyo ng K to 12 curriculum, isang henerasyon ng kabataan ang nagsisipagtapos na hindi naaabot ang buong potensyal. Simple lang naman ang solusyon, sabi nga ni Senador Cayetano: buhusan ng pondo ang K to 12, o ibalik sa K to 10 para magamit ang pondong available sa pagpapahusay ng kalidad ng edukasyon at mga pasilidad nito.
Higit sa lahat, tamang values. Nagiging mabuting ehemplo ba tayo sa kanila ng respeto, katapatan, at pagmamahal? Nagiging maingat ba tayo sa mga kilos, salita, at pag-uugaling ipinapakita natin sa kanila? At nagiging intentional ba tayo sa mga bagay na itinuturo natin sa kanila? Bawat batang lumalaki sa kulturang ipinagkikibit-balikat ang pagsisinungaling, pandaraya, at pagiging makasarili ay isang Pilipinong posibleng magiging susunod na mandarambong sa gobyerno man o sa ibang sektor ng lipunan.
Ang mga bata ay biyaya mula sa Poong Maykapal, at sapat nang dahilan iyon para maging intentional tayo bilang isang bansa sa pag-aaruga sa kanila. Hindi natin maaasahang sila ang magpapabuti sa Pilipinas kung tuwing Nobyembre lang natin maaalalang gawin ang papel natin sa pagbuo ng tamang environment para lumaki sila nang tama.###

